PAHINANTE NG TRUCK NA MAY KARGANG KALABAW, PATAY MATAPOS MAHULOG SA BANGIN

Nasawi ang pahinante ng isang Mitsubishi canter matapos na aksidenteng mahulog sa bangin na may lalim na 20 metro sa Brgy. San Benigno, Aglipay, Quirino.

Kinilala ang biktima na si Leoperez Roderos Sr., 59 anyos, may asawa, magsasaka, habang ang tsuper naman ng nasabing truck ay si Ernesto Manitchala, 62 anyos, may asawa, pawang mga residente ng Brgy. Lapaz, Saguday.

Sa nakuhang impormasyon mula sa Aglipay Municipal Police Station, tinatahak umano ng truck na noon ay may kargang dalawang (2) kalabaw ang daan patungo sa Brgy. Alicia sa nasabing munisipalidad.


Nang makarating sa lugar partikular na sa pataas na bahagi ng bundok, bigla umanong nawalan ng preno ang truck.

Sinubukan umanong mag maniobra ng tsuper patungo sa isang kanal sa kabilang lane, subalit nataranta umano ang pahinante nito at saka nakipag-agawan sa manibela dahilan ng pagkahulog ng truck sa bangin.

Bilang resulta, nagtamo ng malalang pinsala sa parteng ulo at katawan ang mga biktima na kaagad namang isinugod sa ospital.
Sa kasamaang palad, makalipas ang isang (1) oras ay binawian rin ng buhay si Roderos.

Samantala, dead-on-the-spot ang isa sa mga kalabaw habang lubha namang nagtamo ng pinsala ang isa pa.

Facebook Comments