Umapela si Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na pag-aralang muli ang pagpayag nilang makalabas na ng bahay ang mga batang nasa edad 10 hanggang 14 sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Giit ni Go, delikado pa ang sitwasyon at bilang patunay, 3 sa 16 na bagong kaso ng COVID-19 ay nasa edad 18 years old pababa.
Ipinaliwanag ni Go na delikadong mas kumalat ang virus sa mga bata lalo pa at malilikot ang mga ito ay mahirap kontrolin kapag lumabas ang mga ito.
Kaugnay nito ay posibleng maging dahilan ito ng mas mabilis at mas maraming mahawa sa COVID-19 lalo pa at karamihan sa mga batang positibo sa virus ay asymptomatic.
Binigyang diin ni Go na wala namang dahilan para magmadali sa pagluluwag sa restriksyon partikular sa mga bata.
Ikinatwiran ni Go na mas mabuting hintayin na lang na magkaroon ng bakuna sa bansa laban sa COVID-19.