Pinapabawi ni Senator Francis Tolentino kay Agriculture Secretary William Dar ang inisyung Certificate of Necessity to import ng 60,000 metriko tonelada ng galunggong at iba pang isda ngayong unang quarter ng taon.
Giit ni Tolentino, hindi kailangang umangkat ng isda partikular ng galunggong dahil sapat ang suplay nito.
Inihalimbawa ni Tolentino, ang report ukol sa tone-toneladang galunggong na mistulang umulan sa ilang bayan sa Antique dahil sa dami.
Ayon kay Tolentino, taliwas ito sa sinasabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na kapos ang suplay ng isda batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at batay sa mataas na presyo ng isda sa mga pamilihan.
Punto ni Tolentino, kailan nag-ikot ang PSA sa mga pamilihan para malaman nila kung kulang nga ang isda.
Naniniwala naman si Tolentino na kaya mataas ang presyo ng isda ay dahil nahil nahihirapan ang mga mangingisda sa pagluluwas at pag-iimbak dahil sa pandemya.
Mungkahi ni Tolentino, sa halip na mag-import ng isda, ay mas dapat ngayong tulungan ang mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dagdag na subsidiya.