Pinuri at ikinatuwa ng mga senador ang deriktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay pahintulot sa pribadong sektor na bumili ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, mabubura nito ang duda na mayroong gustong maka-corner sa vaccine procurement.
Isa naman si Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go, sa pangunahing nagmungkahi nito sa Pangulo at kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., para mapabilis ang ating vaccine roll out dahil karamihan sa private sector ay may sariling direct contacts sa mga vaccine providers kaya makakatulong sila na pabilisin ang vaccine roll out.
Umaasa naman si Senator Sonny Angara na agad aasikasuhin ni Sec. Galvez ang procurement ng private sektor ng bakuna kaakibat ang paalala na hindi iyon pwedeng ibenta sa merkado.
Para naman kay Senator Imee Marcos, ipinakita ni Tatay Digong, ang pagiging totoong ama ng ating bayan sa pagbibigay ng pag-asa sa mga Pilipino na mabakunahan sa madaling panahon.
Malaking tulong ang pribadong sektor sa target ng gobyerno na mabakunahan ang mayorya ng populasyon.
Para kay Lacson, ito ang pinakamagandang birthday gift ng Pangulo sa kanyang sarili dahil ang pribadong sektor ay talaga namang ka-partner sa vaccination program.
Nakakatiyak si Senator Grace Poe na makikinabang dito ang mamamayan dahil mapag-iibayo ang suplay ng vaccine at mas dadami ang mababakunahan.