Manila, Philippines – Karamihan ng mga Pinoy netizen ang may negatibong pananaw hinggil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Base ito sa pag-aaral ng digital research firm na Research and Tech Lab (RTL) mula January hanggang February ngayong taon.
Sa survey, lumabas na sa kabuuang 861 na naitalang sentimiyento tungkol sa TRAIN law, 94.08 percent dito ang nagsasabing hindi nakakatulong sa bansa ang naturang batas.
Marami rin ang nagsabing dismayado sila sa overall impact ng batas at tinawag itong anti-poor at pahirap sa mga Pilipino.
Isa rin sa nangungunang dahilan kung bakit tutol ang mayorya ng online public sa TRAIN law ay dahil dehado rito ang mga minimum wage earners at tanging mga government officials lang daw ang higit na nakikinabang.
Lumabas din sa pag-aaral ng RTL na 15.56 percent ng mga netizen ang sinisisi ang TRAIN law sa mga nangyayaring layoff sa ilang empleyado ng kompanyang nagpo-produce ng sugar-sweetened beverages.
Samantala, 5.92 percent naman ng mga inalisang sentimyento ang umaasa pa rin sa magandang epekto ng batas habang isang porsiyento ang buo ang suporta sa implementasyon nito.