Kinalampag ni Isabela Representative Faustino Dy ang panuntunan ng Civil Aeronautics Board sa pagpapatupad ng 20% discount sa airfare ng mga estudyante.
Ito ay bunsod na rin ng mga reklamo na pahirapang pagkuha ng discount ng mga estudyante dahil batay sa panuntunan ng CAB ay kinakailangan pang magpunta sa organic ticketing office ng mga airline company para makakuha lamang ng diskwento.
Ayon kay Dy, hirap ang mga estudyante sa panuntunan na ito dahil kakaunti lamang ang ticketing office ng mga airline companies sa bansa.
Matatagpuan lamang ang mga ticketing office sa Metro Manila at sa Major City sa Visayas.
Karaniwan aniya ay mga authorized sales agent tulad ng travel agencies ang nagbebenta ng ticket pero walang naibibigay na airfare discounts sa mga estudyante.
Marami aniyang mga estudyante lalo na ang mga taga probinsya na obligadong mageroplano dahil sa mga sinasalihang kompetisyon tulad ng sports pero hindi nabibigyan ng discount na nakasaad sa mandato ng batas.