Nababahala na ang ilang transport group sa patuloy na pagbulusok ng kabuhayan ng mga drayber at operator dahil sa walang-patid na taas-presyo sa petrolyo.
Giit ni Ka Mody Floranda, presidente ng PISTON, kakarampot na nga lang ang kita ng mga tsuper ay napupunta pa sa petrolyo.
Dahil dito, muling umapela ang grupo na suspendihin muna ang fuel excixe tax.
Nanawagan din sila sa gobyerno na huwag silang pahirapan sa pagkuha ng fuel subsidy.
Bukod kasi sa napakaraming hinihinging dokumento, hindi rin aniya kinikilala ng LTFRB ang mga lehitimong prangkisa at deed of sale ng mga dati at bagong may-ari ng mga jeep.
Nabatid kasi na 10% ng mga jeepney owner ang nagbenta ng kanilang jeep matapos na matigil sa paghahanapbuhay bunsod ng pandemya.
Matatandaang naglaan ang pamahalaan ng P2.5 billion na pondo para sa ayuda ng mga driver at operator ng public utility vehicles kung saan bawat isa ay makakatanggap ng P6,500 subsidy.