Humihirit si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na mabigyan ng alokasyon sa ilalim ng 2022 budget ang “paid pandemic leave” ng mga manggagawang apektado ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy ni Brosas na maraming manggagawa ang nakokompromiso ang sweldo dahil sa mandatory na 14-day isolation kapag nagkasakit.
Dahil dito, hindi rin nakakatanggap ng sweldo ang mga manggagawang maysakit na arawan ang sahod.
Paliwanag naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nagdaang budget hearing isinama ang paid pandemic leave sa Bayanihan 1 at 2 pero nang umabot sa ehekutibo ay wala namang inilaang pondo rito.
Suportado naman ng DOLE kung magsusulong ang Kongreso para sa pagkakaroon ng hiwalay na batas kaugnay rito.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan na ng DOLE na itaas sa ₱10,000 ang assistance o tulong para sa mga COVID-19 afflicted workers.
Umabot naman sa 450,000 ang mga manggagawang nabakunahan na ng COVID-19 vaccines sa ilalim na rin ng programa ng DOLE.