Paid pandemic leave, tatalakayin na sa plenaryo ng Kamara

Isasalang na sa plenaryo ang House Bill 7909 o ang panukala na nagbibigay ng paid pandemic leave sa mga empleyado ng pribadong sektor.

Ito ay matapos pagtibayin sa Kamara ang “Paid Pandemic Leave Law of 2020” kung saan inoobliga ang mga employers sa private sector na bigyan ng paid pandemic leave at iba pang leave benefits ang mga empleyado habang nasa ilalim ng deklarasyon ng global health crisis bunsod ng COVID-19 pandemic.

Layunin din ng panukala na mahikayat ang mga kawani sa pribadong sektor na mag-isolate sa oras na malantad sa isang COVID-19 positive.


Sakop ng panukala na mabigyan ng paid pandemic leave ang lahat ng private sector employees anuman ang kanilang employment status.

Nakapaloob sa panukala na bibigyan ng dagdag na 14 na paid leave ang mga empleyado na may confirmed, probable, suspect, o nagkaroon ng close contact o kung ang immediate family member na kasama sa bahay ay positibo sa COVID-19.

Ginagarantiya rin ng panukala ang pagbibigay ng maximum na 60 araw na paid leave na may 80% daily rate para sa mga manggagawa na nasa “floating status” o imboluntaryong napatigil sa pagtatrabaho dahil sa pandemya.

Facebook Comments