Pailaw o Pyrotechnics, maaaring ibenta sa piling lugar

Sa gitna ng pagbabawal ng paggamit at pagbenta ng mga iligal na paputok sa bansa, nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang pyrotechnics o pailaw ay maaari pa ring payagan sa ilang lugar.

Ito ay depende kung ang Local Government Unit (LGU) ay papayagan ang paggamit ng mga ito sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ang mga LGU ay binibigyan ng awtorisasyon para bumuo ng mga patakaran at regulasyon sa firecrackers at iba pang pyrotechnic devices sa loob ng kanilang hurisdiksyon na naaayon sa national standards, rules at regulations.


Ang ilan sa mga pailaw na tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ay butterfly, fountain, jumbo regular and special, luces, mabuhay, roman candle, sparklers, trompillo, whistle device, at iba pang kaparehas na pailaw.

Ipinunto rin ni Malaya na bawal ang community fireworks display sa labas ng mga malls at iba pang establishments para maiwasan ang pagkukumpol ng mga tao.

Binigyang diin ni Malaya na ang paggamit at pagbenta ng mga malalaki at mapanganib na paputok ay bawal pa rin sa bansa gaya ng kwiton, super lolo, goodbye bading, goodbye Philippines, Bin Laden, coke-in-can, pillbox, boga, kabasi at iba pa.

May ilang paputok na kahit maliit, nananatiling delikado.

Kabilang sa mga ito ay watusi, piccolo, poppop, five star, pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb, atomic triangle, large-size judas belt, goodbye delima, hello columbia, goodbye napoles, super yolanda, at mother rockets.

Facebook Comments