
Isinara pansamantala kagabi, Disyembre 3, 2025, ang Pailaw sa Plaza sa San carlos City bilang pag-iingat matapos ang matinding pag-ulan na naranasan nang mas maaga.
Inihayag na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang safety measures upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang aksidente na maaaring idulot ng basa at madulas na paligid.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mas pinili nilang isagawa ang agarang pagsasara upang masuri at matiyak na ligtas ang lugar bago muling buksan sa publiko. Ang Pailaw sa Plaza ay isa sa mga pangunahing atraksiyon ngayong kapaskuhan, at inaasahang dadagsain ng mga residente at turista.
Matatandaan na isinagawa ang parehong hakbang noong nakaraang linggo dahil sa naranasan din na pag-ulan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa pang-unawa at kooperasyon ng mga mamamayan. Tiniyak nila na ipaaabot agad sa publiko ang anumang pagbabago o anunsyo kaugnay ng muling pagbubukas ng pasilidad.
Ang Pailaw sa Plaza ay kabilang sa mga pangunahing tampok ng taunang Christmas Festival ng San Carlos. Libo-libong residente at turista ang dumadayo dito gabi-gabi upang masilayan ang makukulay na ilaw, Christmas installations, at iba’t ibang photo spots sa sentro ng lungsod. Dahil dito, mahalaga umano na manigurong 100% ligtas ang lugar bago ito muling buksan.
Tampok sa pasyalan ang iba’t-ibang disenyong pampasko sa plaza maging food bazaar at baratilyo na ginagawang tambayan ng mga San Carlenan.







