PAKAWALAN | BuCor, inatasan ng SC na pakawalan ang isang convicted sa drug case

Manila, Philippines – Inatasan ng Korte Suprema si bagong Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon na pakawalan ang isang Federico Ajero Señeres Jr. na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).

Kasunod ito ng pagpapawalang-sala ng SC 3rd Division kay Señeres nang baliktarin at ibasura ang pasya ng Court of Appeals (CA) noong November 2016 at ng Taguig Regional Trial Court Order noong December 2015.

Sa nasabing desisyon, nakasaad dito na hindi nasunod ng pulisya ang pagpapanatili ng integridad ng ebidensya laban kay Señeres alinsunod sa Section 21 ng Republic Act 9165.


Sa halip, ang lumang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang pinatupad sa kaso ni Señeres dahil nahuli sya bago pa maipatupad ang pag-amienda sa batas noong 2014.

Ayon sa Korte Suprema, walang kinatawan mula sa media at DOJ at maging halal na opisyal nang isagawa ang pag-imbentaryo ng mga nasamsam na droga kay Señeres kaya bigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala nang walang pagdududa.

Binigyan ng Korte Suprema ang Bureau of Corrections (BuCor) ng limang araw mula nang matanggap ang utos na mag-report kaugnay ng utos na pakawalan si Señeres maliban na lamang kung may iba pa itong pinagsisilbihang sentensya sa ibang kaso.

Facebook Comments