Pakikialam ng Amerika sa Pilipinas, mas bibigat sakaling manalo sa eleksyon si dating U.S. Vice President Joe Biden

Mas bibigat ang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas sakaling manalo sa U.S. Presidential elections si dating US Vice President Joe Biden.

Ito ang pananaw ng political analyst na si Professor Ramon Casiple kaugnay ng posibleng maging epekto sa bansa ng halalan sa Amerika.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Casiple na naniniwala siyang nais ng Amerika na magkaroon ng mas malapit na relasyon sa Pilipinas.


“Talagang liligawan tayo, kung narinig niyo ‘yong quadrateral alliance na pinag-uusapan nitong mga huling buwan na ‘to, itutuloy ng Biden president ‘yon. ‘Yong mga tactics siguro, baka magbabago pero kung policy ang pag-uusapan, mag-expect na tayo, baka nga pati eleksyon natin pakialaman pa e,” ani Casiple.

Nakikita rin ni Casiple na magkakaroon ng renegotiation ang dalawang bansa kaugnay ng suspensyon ng Visiting Forces Agreement (VFA).

“Tingin ko may renegotiation na mangyayari. Hindi pormal pero may reassurance ‘yan na gusto nila mas malapit na relasyon, maghahabol ang US ng mas malapit na pakikipag-alyansa,” dagdag pa ng political analyst.

Pagdating naman sa isyu ng oil exploration sa West Philippine Sea, sinabi si Casiple na posibleng manghimasok din ang Amerika pero mas maliit ang interes nito sa usapin kumpara sa China.

“Ang U.S. ngayon, may sariling oil na, hindi na siya nag-i-import kaya hindi masyadong mahalaga sa kanya ‘yang ano, pero papasok siya d’yan,” paliwanag ni Casiple.

Samantala sa interview rin ng RMN Manila, sinabi ni UP Professor Clarita Carlos na posibleng mawalan ng kaalyansa ang bansa sa West Philippine Sea dispute kung si Biden ang mananalo lalo’t kaalyado nito sa Democrats si dating U.S. President Barack Obama na malambot sa China.

Facebook Comments