
Inirekomenda ni Senate President Chiz Escudero kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na payagan ang partisipasyon ng mga governor at city mayor sa pagdinig ng 2026 National Budget.
Ayon kay Escudero, panahon na para bigyan ng oras ang mga local chief executive na maihayag ang kanilang mga pananaw sa pambansang pondo lalo’t sila ang responsable sa implementasyon ng mga proyekto.
Sinabi pa ng Senate President na kung ang mga division head ng mga maliliit na Bureau ay dumadalo sa budget hearings, bakit ang mga pinuno ng mga probinsya at malalaking lungsod ay hindi.
Makatutulong aniya ang perspektibo ng mga lider ng lokal na pamahalaan sa pagtukoy ng mga kailangang proyekto sa kanilang lugar at mahaharang din ang mga posibleng overpricing sa mga pondong hinihiling ng mga ahensya.
Marami aniyang mga proyekto ang nakalista sa budget na hindi dumaraan sa konsultasyon ng mga local government unit (LGU) at para maiwasan ito ay hiniling ni Escudero na obligahin ang pagkakaroon ng approval o endorsement mula sa mga Provincial Development Councils at Regional Development Councils para sa lahat ng development projects upang sa gayon ay maipapabatid sa bawat LGUs ang mga panukalang programa at aktibidad ng national government.









