Iminungkahi ni Senator JV Ejercito sa gobyerno na makipag-alyansa sa ibang mga bansa na nakakaranas din ng pambu-bully ng China.
Ang suhestyong ito ng senador ay kasunod ng panibagong harassment ng China sa bansa kung saan muntik na magkabanggaan ang barko ng Chinese coast guard at ang Philippine patrol vessel na may lulang ilang mamamahayag sa bahagi ng West Philippine Sea.
Aminado si Ejercito na hindi ‘super power’ ang bansa at hindi natin kayang tapatan ang China pagdating sa depensang militar kaya naman patuloy tayong binu-bully at inuunti-unti ng China ang pag-angkin sa ating mga teritoryo.
Sinabi ni Ejercito na makabubuti para sa bansa kung makikipag-alyansa tayo sa mga bansang kaalyado natin na nakakaranas din ng pambu-bully ng China tulad ng Japan, Indonesia, Malaysia, at Vietnam.
Ang pakikipag-alyansa sa mga bansang binu-bully din ng China ay makakatulong para manatili ang ‘freedom of navigation’ sa mga teritoryo.
Dagdag din ng senador, ang pakikipag-alyansa sa malalaking bansa tulad ng Estados Unidos at Australia hindi para maging agresibo kundi para matulungan tayong mabantayan at maprotektahan ang mga seagates at maiwasan ang panay na pananakot ng China.