Pakikipag-alyansa ni PBBM sa Japan at Amerika, hindi pagsisimula ng tensyon kundi pagpapanatili ng kapayapaan sa WPS- analyst

Sinopla ng mga political analyst ang mga bumabatikos sa hakbang ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa usapin ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Marami ang nagsasabi ngayon na posibleng maging mitsa ng giyera sa pagitan ng Pilipinas at China ang pagpapalakas natin ng alyansa sa ibang bansa kasunod na rin ng kauna-unahang trilateral summit ng Pilipinas, US at Japan.

Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ng mga political analyst na sina UPLB Professor Dr. Antonio Contreras at Atty. Edward Chico na ang pakikipag-alyansa ng Pangulong Marcos sa ibang bansa ay hindi hudyat ng pakikipag-gyera kundi isang pagtitiyak ng kapayapaaan sa mga pinag-aagawang teritoryo.


Ayon kay Prof. Contreras, hindi basta-basta makikipag-giyera ang China sa Pilipinas dahil alam nitong may tutulong sa bansa na malalakas tulad ng Amerika at Japan.

Una nang ipinanukala ng kapatid ng pangulo na si Sen. Imee Marcos na pag-usapan na lamang ang patuloy na pambu-bully ng China ngunit sinabi ni Prof. Contreras na wala itong saysay lalo na’t matagal na nilang hindi kinikilala ang nilalaman ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ngayong nakikita na sa buong mundo ang panget ng imahe ng China, sinabi naman ni Atty. Chico na posibleng nape-pressure na ang Beijing at kaya posibleng patuloy na umaaligid ang kanilang barko sa WPS.

Isa rin aniya itong pagkakataon upang muling buksan ang pag-uusap ng dalawang bansa hinggil sa mga pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

Facebook Comments