
Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pakikipagkamay niya kay Chinese President Xi Jinping sa APEC Summit ay simpleng pagpapakita ng respeto bilang kapwa pinuno at hindi dapat ituring na diplomatic gesture.
Ayon sa Pangulo, walang pormal na pagpupulong na naganap o hiniling sa pagitan ng Pilipinas at China dahil hindi ito ang tamang lugar para talakayin ang mga isyu sa West Philippine Sea.
Ipinaalala rin niya na nakatuon ang APEC sa ekonomiya, hindi sa politika.
Ikinuwento ni Marcos na naganap ang maikling pagbati sa retreat session ng mga lider matapos niyang lapitan si Xi sa kabila ng mahigpit na seguridad.
Mabilis lamang ang naging pagkikita dahil hindi pa sila nagkakasalubong sa unang dalawang araw ng summit.
Giit niya, ang naturang pagkakamayan ay simpleng kilos ng kababaang-loob at paggalang, at hindi nangangahulugang may pagbabago sa posisyon ng Pilipinas laban sa China.









