Para kay Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto walang nalabag na protocols si dating Pangulong Rodrigo Duterte (PRRD) sa kanyang pakikipagkita kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing.
Paliwanag ni Recto, hindi ito ang unang pagkakataon na ang mga dating pangulo ng Pilipinas ay bumisita sa ibang bansa kahit retirado na sila tulad nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Pangulong Gloria Arroyo na binibigyan pa ng red carpet treatment ng foreign leaders.
Bukod dito, tiwala rin si Recto na makatutulong ang magandang relasyon ni dating PRRD sa Beijing para mabawasan ang tensyon sa West Philippine Sea lalo na ang Chinese harassment sa mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Recto, sa ngalan ng diplomasya ang pagsasagawa ng backchannel ay maituturing na official channel o paraan para maisulong ang ating pambansang interes.
Punto pa ni Recto, hindi pwedeng sa Amerikano lang tayo nakikipag-usap dahil mas mainam na kausap natin lahat kahit ang mga bansang katampuhan natin para matupad ang pagiging ‘friend to all, enemy to no one’ natin.
Malaki rin ang tiwala ni Recto na palaging isusulong ni dating PRRD ang kapakanan ng ating bansa at mamamayan sa kanyang pakikipag-usap sa mga lider ng ibang bansa.