Pakikipaglaban para sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, nalalagay sa alangain dahil sa away-pulitika

Dismayado si Senator Panfilo Ping Lacson, dahil nakokompromiso ang pakikipaglaban ng Pilipinas sa mga bahagi ng West Philippine Sea na nasa loob ng teritoryo nito, pati na rin ang iba pang mahahalagang usapin.

Ayon kay Lacson, ito ay dahil lamang sa lumalalang bangayan ng dalawang magkalabang paksiyon sa pulitika sa bansa at pangunahin dito ang mga DDS o mga nasa panig ng administrasyon at ang mga dilawan sa panig ng oposisyon.

Sabi ni Lacson, kapag taliwas sa gustong mangyari o akusasyon ng isang kampo ang inilabas ng isang nais magbigay ng lehitimong ideya o solusyon, ay pauulanan ito ng troll ng tinatamaang bakuran kaya nalulubog ang totoong mensaheng dapat makarating sa nakakarami o kinauukulan.


Ang masama, ayon kay Lacson, sa halip na iisa ang tinig natin, ay tayo-tayo mismo nagbabangayan kung saan pinapanood lang tayo ng China at maaaring pinapalakpakan pa.

Tatlong pagkakataon na ang naitatala ng mambabatas bilang insidente ng pangangamkam ng China sa Pilipinas, na kinabibilangan ng Scarborough Shoal, Panatag Shoal, at ang pinakahuli na Julian Felipe Reef.

Sa mga ganitong pagkakataon, pinayuhan ni Lacson ang publiko na ipagpatuloy lamang ang kanilang pagpuna sa mga nangyayari lalo na kung ito ay natutungkol sa kapakanan ng bayan.

Iminungkahi rin ni Lacson na muling pasadahan ang mga nilalaman ng diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at China.

Nagtataka kasi si Lacson kung anong klaseng kaibigan ang China na patuloy na kumakamkam sa mga sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Idiniin ni Lacson na dapat ay maging “innovative and creative” ang Pilipinas sa pag-aaral dahil hindi na epektibo ang diplomatic protests.

Dismayado rin si Lacson sa pang-aagrabyado at pagkibit-balikat ng China sa mga protestang inihahain ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mga ginagawa nito sa West Philippine Sea.

kasabay nito ay nanawagan din si Lacson sa mga kasamahang senador na suportahan si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pagpalag nito sa isa sa pinakahuling ginawa ng China sa mga Pinoy na nasa West Philippine Sea.

Iginiit din ni Lacson na dapat kumilos na ang Pilipinas para sa pagpapalakas ng alyansa sa mga bansang may malalakas na kakayahang pangmilitar gaya ng Estados Unidos, Australia, Japan at mga kasapi ng European Union para sa pagmantini ng balance of power sa West Philippine Sea.

Facebook Comments