Nag-uusap na ngayon ang mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Batangas Provincial Government sa apila ng Department of Education (DepEd) na huwag nang gawing evacuation center ang mga eskwelahan.
Sa press conference kahapon sa Camp Crame sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, alam nilang importanteng makabalik agad sa pag-aaral ang mga estudyante sa kabila ng epekto ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Alam rin ni Año na batay sa mga panuntunan hanggang dalawang linggo lang maaaring gamiting evacuation center ang mga paaralan.
Pero sa ngayon, halos dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang mag-alburuto ang Taal volcano.
Ayon kay Año, kung wala talaga silang mahahanap na maaaring malipatan, makikiusap sila sa DepEd ng extension o palawigin pa ang paggamit ng mga bakwit sa mga eskwelahan.
Sa datos ng DepEd mahigit 7,000 paaralan ang apektado dahil ginagamit ang mga ito bilang evacuation center.