Balik-bansa ngayong araw ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na patungo sanang Los Angeles dahil sa medical emergency ng isang pasahero.
Ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, alas-9:00 kagabi nang umalis ang PAL Flight PR102 sa Manila pero limang oras habang nasa biyahe ay nakaranas ng medical emergency ang isa nitong pasahero.
Bago bumalik sa Pilipinas, nag-emergency landing muna sa Haneda Airport sa Japan ang eroplano para bigyan ng atensyong medikal ang pasahero.
Binigyan ng medical support ang pasahero sa loob ng eroplano at hindi naman ito kinailangang isugod sa ospital.
Sa halip na tumuloy sa Amerika, bumalik ang eroplano sa Pilipinas dahil mayroon lamang itong landing permit na hanggang 12:00 ng hatinggabi sa LA.
Kinumpirma rin ni Villaluna na sakay ng eroplano ang 186 na pasahero kabilang si Senador Manny Pacquiao na patungo sa US para sa preparasyon niya sa laban kontra kay Errol Spence Jr.
Alas-2:00 ng hapon ngayong araw, muling babiyahe ang eroplano pabalik ng LA kung saan inaasahang makakarating ito bukas nang tanghali.