Palagiang pag-inspeksyon sa mga ammunition dump ng PNP, ipinag-utos ng PNP chief

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang mahigpit na pag-inspeksyon sa lahat ng ammunition storage facilities ng PNP.

Ito’y kasunod ng nangyaring sunog sa imbakan ng armas ng Philippine Army sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro, kung saan tatlong sibilyan ang sugatan.

Ayon sa PNP chief, naglabas siya ng kautusan sa lahat ng regional directors at mga concerned unit commander na maging istrikto sa pag-iingat ng naka-imbak na ammunition dahil sa panganib kapag ito ay na-“mishandle”.


Samantala, paalala naman ni PNP Director for Operations PMGen. Valeriano de Leon na dating naging hepe ng Firearms and Explosives Office, maselan sa lagay ng panahon at temperatura ang ammunition na naka-imbak at maari itong ma-ignite kapag magkaroon ng moisture.

Kailangan din aniya ng ganitong pag-iingat sa evidence storage facilities, kung saan nakatago ang mga baril at bala na narekober sa mga crime scene.

Kasunod nito, tiniyak ng opisyal na mananagot ang sinumang kawani ng Pambansang Pulisya na mapapatunayang magpapabaya sa pag-iingat ng naka-imbak na ammunition ng PNP.

Facebook Comments