
Tutuldukan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang palakasan system sa pagpapatayo ng mga farm-to-market road (FMR) projects sa bansa.
Pahayag ito ng Pangulo sa gitna ng imbestigasyon ng pamahalaan sa P105 milyong halaga ng umano’y ghost projects na farm-to-market road sa Mindanao.
Ayon sa Pangulo, mula ngayon, lahat ng FMR projects ay dapat nakaayon sa isang national master plan at hindi sa impluwensiya ng mga politiko o kaalyado sa partido.
Wala na aniyang palakasan at walang proyektong ipadadaan pa sa kaibigan o kapartido.
Dagdag pa ng Pangulo, kinukonsulta na ng administrasyon ang mga gobernador at alkalde para i-validate ang mga proyekto, upang masiguro na ito ay batay sa aktuwal na pangangailangan ng mga magsasaka at hindi dahil sa political patronage.









