Masaya at napakasarap sa pakiramdam na muling makita ang mga kabataan na naglalaro sa labas kasama ang kanilang mga kaibigan.
Isa itong mahalagang bahagi ng pagkabata ng maraming Pilipino bago pa man dumating ang makabagong teknolohiya.
Sa bayan ng Calasiao binibigyang-buhay ang tradisyunal na mga larong Pilipino sa pamamagitan ng Palarong Lahi na isinasagawa tuwing Biyernes.
Tampok rito ang iba’t ibang larong Pinoy tulad ng palosebo, kadang-kadang, karerang sako, hatakan sa lubid, pukpok palayok, patintero, tumbang preso, luksong baka, agawang buko at ang kaabang abang na agawang biik. Dito nasusubok ang lakas, liksi, diskarte, at higit sa lahat, ang pagkakaisa ng mga kalahok.
Sulit ang bawat tagaktak ng pawis kapalit ng tuwa at galak na dala ng pagtitipon.
Layunin ng Palarong Lahi na hikayatin ang kabataan na makilahok upang buhayin at maipasa sa bagong henerasyon ang mga larong Pilipino na sumasalamin sa mayaman nating kultura at kasaysayan ngayong Buwan ng Kabataan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









