Inanunsyo ng Department of Education o DepEd ang pagsasagawa ng 2023 Palarong Pambansa mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5, 2023 sa lungsod ng Marikina, mahigit tatlong taon matapos itong kanselahin dahil sa COVID-19 pandemic.
Magsisilbing hosts ng bagong edisyon ng scholastic multi-sport competition ngayong taon ang lokal na pamahalaan ng Marikina, DepEd-National Capital Region (NCR) Office, at Schools Division Office (SDO) ng Marikina City.
Batay sa DepEd Memorandum No. 5, s. 2023 o ang Conduct of the 2023 Palarong Pambansa, nirerekomenda ng Palarong Pambansa secretariat na ganapin ang mga Division at Regional Meet sa Pebrero 6-10 at Abril 24-28.
Bukod pa rito, ipakikilala rin ang karagdagang tier na tinatawag na Pre-National Qualifying Meet upang mabawasan ang bilang ng mga delegasyon, mapaikli ang takbo ng patimpalak, at mabawasan ang gastusin nang hindi nasasakripisyo ang laro.
Kaugnay nito, tanging ang team sports tulad ng baseball, basketball, football, futsal, speak takraw, at volleyball ang itatampok sa bagong tier na nabanggit.
Sa ilalim ng bagong tier, hahatiin ang delegasyon sa apat na grupo base sa kanilang geographical location.
Gagamitin sa measurable sports tulad ng athletics, swimming, at archery ang qualifying distance, time, at points na itinakda ng Palarong Pambansa.
Bukod sa student-athletes mula sa 17 DepEd Regional Athletic Associations, papayagan ding lumahok sa individual sports ang mga Pilipinong atleta na naka-enroll sa mga kinikilalang paaralan sa ibang bansa sa ilalim ng Philippine Schools Overseas o PSOs.