Palasyo at Kamara, naglaan ng 100 libreng sakay na mga bus habang may transport strike

Nasa 100 mga bus ang inilaan ng Mababang Kapulungan at Malacañang para magbigay ng libreng sakay sa publiko sa loob ng isang linggong tigil-pasada laban sa Jeepney Modernization Program ng pamahalaan.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang mga Libreng Sakay buses ay dagdag sa mga sasakyang ipinakalat ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

Ayon kay Romualdez, ang mga Libreng Sakay buses ay naka-assign sa Metro Manila Development Authority o MMDA na siyang magpapasya kung saan ito ide-deploy.


Sa report na natanggap ni Romualdez, agad na nakapagsilbi sa 1,380 mga pasahero ang unang 46 na mga bus na pinakalat ng MMDA kaninang umaga sa iba’t ibang ruta sa kalakhang Maynila.

Tiniyak naman ni Romualdez na handa silang magdagdag pa ng mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay kung kakailanganin.

Ikinalungkot ni Romualdez na itinuloy ang transport strike sa kabila ng apela ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa mga transport group na ikonsidera ang kapakanan ng mga commuter kasabay ang atas sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan at kung kailangan ay repasuhin ang PUV Modernization Program.

Facebook Comments