Binatikos ng Malacañang si Vice President Leni Robredo matapos nitong himukin ang gobyerno na tigilan ang “propaganda” sa halip ay tutukan ang pagtugon sa mga hamon na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ay sa gitna ng paghawak ng gobyerno sa pandemic sa pamamagitan ng paghahayag ng datos mula sa World Health Organization (WHO).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang WHO na ang nagsabi kung nasaan na tayo sa ating COVID response.
Aniya, bakit nila paniniwalaan ang ibang pag-aaral samantalang lahat naman ay nagtitiwala sa WHO sa panahon ng pandemya.
Giit pa ni Roque, unfair din para sa mga health workers na lumalaban sa pandemya na tawagin ang kanilang output bilang propaganda.
“Ano ba ho ang sabi ng World Health Organization? Number 32 po ang Pilipinas pagdating sa number ng mga total cases ng COVID; number 45 po tayo pagdating sa active cases; at iyong ating COVID-19 cases per one million population, nasa 134 po tayo – laylayan; at sa case fatality rate, number 72 ang Pilipinas. Hindi po iyan propaganda!” ani Roque.