Palasyo, binuweltahan si VP Sara sa isyu ng travel authority

Mariing itinanggi ng Malacañang ang paratang ni Vice President Sara Duterte na nagpapakalat ito ng maling impormasyon hinggil sa umano’y biyahe niya sa Kuwait nang walang travel authority.

Sa ambush interview sa India, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, na wala siyang direktang pahayag na nagtungo si Duterte sa Kuwait.

Paglilinaw ni Castro, natanong lamang sila ng media tungkol sa ulat na planong bumiyahe sa Kuwait ang Bise Presidente dahil hindi alam ng OVP spokesperson ang kinaroonan nito.

Sa beripikasyon ng Office of the Executive Secretary, travel authority lamang mula Hulyo 5 hanggang Hulyo 28 ang naitala para sa bise presidente.

Dagdag pa ng Palasyo, mas mainam na alamin muna ng bise presidente ang eksaktong pahayag ng opisina bago magbintang ng “fake news” laban sa Office of the President.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ng Palasyo na ang impeachment complaint laban kay Duterte ay inihain ng House of Representatives, at hindi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaya’t mali umanong sabihing laban sa ehekutibo ang desisyon ng Senado.

Facebook Comments