Hindi pa masabi sa ngayon ng Palasyo kung magka-alyansa ng muli sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Manny Pacquiao.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque makaraang magpulong noong Martes ng gabi ang dalawang opisyal sa Palasyo ng Malakanyang.
Ayon kay Roque, “renewal of friendship” lamang ang naganap kung saan napag-usapan din ang ilang mahahalagang bagay.
Hindi rin masabi pa sa ngayon ng kalihim kung ano ang magiging epekto nito sa kandidatura ni Pacquiao.
Matatandaang nagkalamat ang relasyon nina PRRD at Sen. Pacquiao makaraang punahin ng senador ang ilang polisiya ng Duterte administration kabilang na dito ang usapin hinggil sa West Philippine Sea (WPS) at pag-akusa sa Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng pamahalaan ng katiwalian.
Hinamon naman ng pangulo si Pacman na pangalanan ang umano’y mga corrupt official at kapag wala itong natukoy ay hindi niya ito ikakampanya dahil sa pagiging sinungaling.
Kung maaalala, pinatalsik din si Pacquiao sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban sa ilalim ng Pimentel wing dahil sa paghahain nito ng Certificate of Candidacy o COC sa pagka-pangulo sa ilalim naman ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI.