Minaliit lamang ng Malacañang ang sentimiyento ng ilang netizens na ikinukumpara ang dalawang lider ng bansa sa kung paano nila inihahatid ang kanilang public speeches.
Nabatid na sinasabi ng ilang netizens na ang public address ni Pangulong Duterte ay tilay “drunk-talk” habang pulido at may nilalaman naman ang kay Vice President Robredo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mas mahalagang maghintay na lamang ng official survey na magkukumpara sa dalawang lider kaysa dumipende sa mga sinasabi ng mga tao online.
Aniya, mahirap magkomento sa mga bagay na nakikita lamang sa social media.
Para kay Roque, maituturing lamang ang mga ito na ‘random comments.’
Iginiit din ni Roque na kung walang inilatag na plano ang Presidente ay tiyak na mas marami pa ang maitatalang kaso at mga mamamatay sa COVID-19.
Hindi rin sang-ayon si Roque sa pahayag ni Robredo na iniwanan ang taumbayan para protektahan ang kanilang sarili mula sa pandemya.
Aniya, hindi nagkulang ang pamahalaan sa pandemic response.
Nanawagan ang Palasyo na isantabi ang pulitika at magkaisa para tulungan ang bawat Pilipino.