Binigyang katwiran ng Malacañang ang mas malaking budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa proposed national budget para sa 2022 kumpara sa Department of Health (DOH) sa gitna ng patuloy na paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa inilabas na datos ng Malacañang hinggil sa fiscal year 2022 National Expenditure Program (NEP), nasa P686.1 bilyon ang nakalaang budget ng DPWH para sa susunod na taon.
Mas mataas ito ng P444.1 bilyon mula sa P242 bilyon lamang na budget ng DOH.
Depensa ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang DPWH din naman kasi aniya ang nangangasiwa sa pagpapatayo ng mga temporary treatment and monitoring facilities at modular hospitals na nangangailangan ng malaking pondo.
Ayon sa kalihim, bahagi ito ng COVID-19 response ng pamahalaan lalo na’t punuan na naman ngayon ang mga ospital dahil sa pagdami ng mga tinatamaan ng virus.