Ipinagtanggol ng Malacañang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos magbigay babala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa aktres na si Liza Soberano at 2018 Miss Universe Catriona Gray sa pakikipag-ugnayan sa mga progresibong grupo tulad ng Gabriela.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring ituring na komunista ang mga ito lalo na kung isinusulong lamang nila ang karapatan ng mga kababaihan.
Dagdag pa ni Roque, hindi miyembro ang mga ito ng New People’s Army (NPA).
Paglilinaw rin ni Roque, walang ginagawang red-tagging ang AFP kina Soberano o kay Gray.
Muli ring iginiit ng Palasyo na wala silang problema sa sinuman na naghahayag ng kanilang saloobin laban sa pamahalaan, pero nag-aalala sila na maaari itong samantalahin ng mga makakaliwang grupo.
“Ang issue po ‘yung posibleng pagsasamantala ng mga komunista sa mga adbokasiya ng mga personalidad gaya nila Liza at Catriona,” sabi ni Roque.
Sinabi rin ni Roque, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay suportado ang mga adbokasiya para sa mga kababaihan.