Palasyo, dumipensa sa tila late na pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng state of calamity sa ilang rehiyon sa bansa na matinding hinagupit ng Bagyong Odette

Binigyang katwiran ng Palasyo ng Malakanyang kung bakit kahapon lamang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon na nagdedeklara ng state of calamity sa ilang rehiyon sa bansa na pinadapa ng Bagyong Odette.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at CabSec. Karlo Alexei Nograles makaraang bumisita ang pangulo sa ilang lugar sa bansa na matinding tinamaan ng bagyo ay doon lamang na assess ang lawak ng pinsalang dulot ng bagyo.

Nilinaw ni Nograles na ang bawat Local Government Unit (LGU) naman ay may kapangyarihang magdeklara ng state of calamity sa kanilang nasasakupan upang magamit ang kanilang calamity fund.


Maaari rin aniyang magamit ang quick response fund nang sa ganon ay maitulong agad sa ating mga kababayan na lubos na naapektuhan ng kalamidad.

Sa nasabing Proclamation No.1267 na pirmado ng pangulo, isinailalim sa state of calamity ang Regions 4B, 6, 7, 8, 10 at 13 upang maging mabilis ang rescue, relief and rehabilitation efforts ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyo, nakasaad din dito ang pagkakaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin at ang agarang pagpapalabas ng pondo na syang gagamitin sa pagtulong sa mga apektado nating mga kababayan.

Facebook Comments