Palasyo, dumipensa sa white sand project ng DENR sa Manila Bay at sinabing hindi lamang ito simpleng beautification ng Baywalk

Tinukoy ng Palasyo na hindi lamang basta simpleng beautification o pagpapaganda sa Manila Bay ang ginagawang pagtatambak dito ng artificial white sand.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, layon ng pagtatambak ng artificial white sand sa baywalk ay soil erosion project para maiwasan ang pagbaha sa mga kalapit na lugar.

Hindi rin aniya basta-basta matatangay ang buhagin dahil pinag-aralan itong maigi ng Engineering Department ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).


Giit pa ng kalihim, walang dapat na ikabahala sa proyekto dahil alam ng DENR ang kanilang ginagawa lalo na sa pangangalaga sa kalikasan.

Una nang sinabi ni Roque na ang pondong inilaan sa pagpapaganda ng Manila Bay ay kabahagi ng 2020 national budget kung saan 2019 pa ito nang maaprubahan.

Reaksyon ito ng kalihim matapos ulanin ng batikos ang nasabing programa ng DENR dahil inuna pa ito kaysa ang COVID-19 response ng pamahalaan.

Facebook Comments