Nanindigan ang Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa impeachment complaint na inihain laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nila alam kung sino ang naghain ng reklamo laban sa mahistrado sa Kamara.
Ipinauubayan na ng Palasyo sa Mababang Kapulungan ito.
Si Leonen ay appointee ni dating Pangulong Noynoy Aquino at nahaharap sa impeachment complaint dahil sa umano’y betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution.
Ang reklamo ay inihain ni Edwin Cordevilla, secretary general ng Filipino League of Advocates for Good Government.
Batay sa complaint, nabigo si Leonen ay maghain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong nagtatrabaho pa siya sa University of the Philippines (UP).
Nabigo rin umano si Leonen na tapusin ang nasa 30 kaso sa kabila ng probisyon sa Saligang Batas na kailangan ng agarang aksyon sa mga kaso.
Samantala, kumpiyansa si Leonen na gagawin ng mga mambabatas ang tamang hakbang.