Nilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na mangyayari lamang ang face-to-face learning sa mga eskwelahan kapag mayroon na tayong ‘new normal’ pagsapit ng August 24, 2020.
Pero ayon kay Roque, kapag hindi pa tayo pasok sa tinatawag na ‘new normal’ pagdating ng August 24, gagamitin din ang telebisyon at radyo bilang paraan ng pagtuturo sa mga estudyante
Kagabi sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati na hangga’t wala pang bakuna kontra sa COVID-19 ay mananatiling suspendido ang pasok sa mga paaralan.
Paliwanag ng pangulo, ayaw niyang ilagay sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral kung kaya’t hindi siya papayag na magbukas ang klase at magdidikit-dikit ang mga ito sa eskwelahan na sadyang mapanganib dahil sa banta ng COVID-19.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na kaparehong prinsipyo rin ang ipatutupad sa mga kolehiyo kahit pa sa graduate school.
Prayoridad kasi aniya ng pamahalaan ang kaligtasan ng lahat ng mga mag-aaral.