Palasyo hindi babawalan ang mga opisyal ng pamahalaan na magtungo sa US

Manila, Philippines – Hindi paiiwasin ng Palasyo ang mga opisyal ng pamahalaan na magtungo sa Estados Unidos.

Ito ang sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, kasunod pa rin ng panukala sa US Senate na i-ban ang mga Filipino officials na mayroong kinalaman sa pagkakakulong ni Senator Leila de Lima.

Binigyang diin ni Panelo, ang mga salitang ginamit sa probisyon na sinusulong ng dalawang US senators, kung saan nakasaad na ia-apply lamang ito alinsunod sa ‘credible information’ na hawak ng US Secretary of State, laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nasa likod ng ‘wrongful imprisonment’ ng senadora.


Ayon kay Panelo, hindi maituturing na wrongful o mali ang pagkakakulong ni de Lima, dahil legal ang proseso nito at mayroong pinagbatayan.

Dahil dito, naniniwala rin si Secretary Panelo na wala dapat ikatakot ang mga opisyal ng pamahalaan na nais magtungo sa Estados Unidos.

Matatandaan na una nan ring iginiit ng Palasyo na ang pagkakakulong ni Senator de Lima ay walang kinalaman sa pagiging kritiko nito ng administrasyon. Bagkus ay dahil ito sa illegal drug related charges na kinakitaan ng probable cause base sa mga iprinisintang ebidensya, sumasailalim ito sa due process at tinatamasa nito ang karapatan na maipagtanggol ang kaniyang sarili.

Facebook Comments