Palasyo, hindi na bibigyan ng isa pang tsansa si VP Leni para maging kabahagi ng administrasyon

Nanindigan ang Palasyo na hindi na kailangan pa ng isang pagkakataon ni Vice President Leni Robredo para maging kaisa o kabahagi ng administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, dalawang beses na itong nabigyan ng pagkakataon pero wala namang nangyari.

Ang una rito ay nang italaga ang Bise Presidente bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council at drug czar o co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.


Sa ngayon, hindi na nakikita pa ng Palasyo na aaluking muli ng Pangulo si VP Leni ng posisyon sa kanyang gabinete bago matapos ang termino nito sa 2022.

Paliwanag pa ng kalihim, ilang beses nang nagtangka si Pangulong Duterte na magkaroon ng harmonious relationship kay VP Leni pero tuloy-tuloy pa rin ang pamumulitika, pagbanat at pagpuna nito sa administrasyon.

Sa katunayan ani Roque nang hilingin ni dating Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Manuelito Luna na imbestigahan ang Bise Presidente dahil sa umano’y pagkukumpetensya nito sa national government sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan kontra COVID-19 ay agad itong pinasibak ni Pangulong Duterte.

Patunay lamang aniya ito na nais talaga ng Pangulo na makatrabaho ang Vice President pero dumating na sa punto na napuno o napikon si Pangulong Duterte matapos mag-trending ang #NasaanAngPangulo noong kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses na gawa ng kanyang mga kritiko at ng oposisyon.

Facebook Comments