Ikinalungkot ng Palasyo ang inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan sumampa sa 17.7% ang unemployment rate sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t ikinalulungkot ito ng Palasyo ay hindi rin sila nagulat sa nasabing report dahil malinaw na epekto ito ng COVID-19 pandemic na hindi lamang sa Pilipinas nararamdaman kundi sa iba’t ibang panig din ng mundo.
Sinabi ni Roque na ang all time high na unemployment rate sa bansa ay bunga ng economic shutdown kung saan ang buong Luzon ay isinailalim sa Enhanced Community Quarantine sa loob ng dalawang buwan na karamihan sa mga negosyo ay nakabase sa rehiyon.
Sa kabila nito, hindi naman aniya nagpabaya ang gobyerno at nagbigay ng ayuda sa mga lubos na apektado.
Kabilang dito ang Social Amelioration Program (SAP), COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) para sa mga displaced OFWs, Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Financial Subsidy for Rice Farmers at ang Small Business Wage Subsidy (SBWS) para sa mga middle income workers.