Palasyo, hinikayat ang publiko na i-report kung may nalalamang hotel na nagpapalusot ng kanilang mga customer na nagka-quarantine

Umaapela ang Malacañang ng kooperasyon ng publiko sa gitna ng mga impormasyon hinggil sa umano’y ilang mga hotel ang sangkot sa tinatawag na absentee quarantine.

Ayon sa Palasyo, dapat ipagbigay alam agad sa kinauukulan ang ganitong uri ng paglabag.

Sinabi pa ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na may naririnig na sila tungkol sa naturang modus subalit wala pa silang pinanghahawakang matibay na katunayan ukol dito.


Ang kailangan aniya sa ganitong mga impormasyon ay mga testigo na makapagbibibgay ng sinumpaang salaysay upang maparusahan ang mga lalabag na mga hotel quarantine facility.

Ngayong araw, sinuspinde na ng Department of Tourism (DOT) ang akreditasyon ng Berjaya hotel, ang hotel quarantine facility na kung saan nakatakas ang tinaguriang ‘Poblacion girl’ at naghasik ng COVID-19.

Maliban sa pagsususpinde ng akreditasyon, pinagmulta rin ng DOT ang nasabing hotel quarantine facility.

Facebook Comments