Nanawagan ang Malacañang sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad lalo na at ipinapatupad na ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ simula ngayong araw, June 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pamahalaan ay naglatag na ng interventions at measures alinsunod sa minimum health standards para matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Nag-isyu na rin ng guidelines para sa workplaces, employers, at workers.
Muling hinikayat ni Roque, mahalagang sumunod ang publiko sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng quarantine protocols.
Mahalagang magsuot ng face masks o face shields, panatilihin ang physical at social distancing, manatili sa loob ng bahay.
Importante aniyang magtulungan ang lahat para labanan ang COVID-19.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa GCQ ang Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at mga probinsya ng Pangasinan at Albay, at mga siyudad ng Davao, Baguio, at Iloilo.
Ang Cebu City at Mandaue City ay ilalagay rin sa GCQ kasama ang Central Visayas at Zamboanga City.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay ilalagay sa modified GCQ.