Palasyo, humingi ng paumanhin sa Philippine Red Cross dahil sa utang ng PhilHealth

Humingi ng paumanhin ang Malacañang sa Philippine Red Cross (PRC) matapos ihinto ng humanitarian organization ang pagsasagawa ng COVID-19 test bunga ng hindi nabayarang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malaking kawalan kung ititigil ng PRC ang testing para sa PhilHealth.

Aniya, nakakapagsagawa ang PRC ng nasa isang milyong COVID-19 test.


Batid din ni Roque na may mga problemang kinahaharap ngayon sa PhilHealth.

“One fourth of our total [number of] tests were done by PRC. So, malaking kawalan po iyan kung ititigil nila ang testing for PhilHealth,” sabi ni Roque.

“Ako naman po ay kampante na mayroon lang talagang mga internal [na] problema ngayon ang PhilHealth na alam naman nating lahat. Humihingi po ako ng pasensiya sa PRC on behalf of the President,” dagdag ni Roque.

Nangako si Roque na isasadya niya ang isyung ito kay PhilHealth Chief Dante Gierran, na binigyan ng mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na resolbahin ang iregularidad sa ahensya.

Sinabi naman ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., hiningan na ni Gierran ng komento ang Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa kasunduang nilagdaan ni dating PhilHealth Chief Ricardo Morales.

“Sa ngayon lang po parang humihingi lang po ng comment sa DBM for the purpose na para at least clear po iyong napirmahan sa MOA, kasi po nag-change po iyong mga tinatawag nating mga prices. And the new president of the PhilHealth just wanted to make sure na all is in order,” sabi ni Galvez.

Gayumpaman, mayroong iba pang laboratoryo sa bansa na kayang magsagawa ng COVID-19 tests.

“Pero iyong testing po ng mga first contact at saka second contact, may mga testing laboratory na po ang ating mga LGUs (local government units), at saka mayroon na po silang tinatawag na contract with civilian testing centers,” ani Galvez.

Sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng PRC at PhilHealth, ang PRC ay mayroong revolving fund na nasa ₱100 million na kailangang punan agad kapag ito ay naubos.

Facebook Comments