Palasyo, iginagalang ang rekomendasyon ng Senado na pagsasampa ng kaso laban kina Health Sec. Duque, resigned PhilHealth President Morales at iba pang matataas ng opisyal ng PhilHealth

Nirerespeto ng Malacañang ang naging rekomendasyon ng Senado na pagsasampa ng kaso laban kina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na siya ring Chairman of the Board ng PhilHealth, resigned PhilHealth President and CEO Ricardo Morales at ilan pang matataas na opisyal ng PhilHealth.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, iginagalang ito ng Palasyo pero nais munang hintayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force na kanyang ipinabuo kung saan pinangungunahan ito ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.

Sinabi ni Roque na i-evaluate muna ng Task Force ang naging findings ng Senado at nasa Task Force na aniya ang pagpapasya kung kanila itong sasang-ayunan.


Paliwanag pa ng kalihim, mayroong hanggang September 14, 2020 ang Task Force para ipakita ang resulta ng kanilang imbestigasyon kay Pangulong Duterte.

Maliban sa DOJ, kabilang din ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary, Office of the President at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa lupon na layuning mag-imbestiga, masagawa ng lifestyle checks at mag-impose ng preventive suspension para sa mga PhilHealth officials na pinaniniwalaang sangkot sa katiwalian.

Facebook Comments