Kasunod nang nangyaring pagpasok ng ilang pulis sa isang pribadong condominium nitong Linggo sa Taguig
Muling iginiit ng Palasyo ng Malakanyang na hindi maaaring pumasok basta basta na lamang ang mga myembro ng Philippine National Police (PNP) sa private premises lalo na kung walang pahintulot mula sa korte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque malinaw ang nakasaad sa Saligang-Batas na karapatan ng ating mga kababayan na maging secure sa kanilang mga tahanan at hindi ito maaaring malabag.
Paliwanag pa ni Roque ang polisiya naman sa mga pulis ay hindi sila pwedeng pumapasok sa private property kung wala silang nalalaman na nangyayaring krimen, kung hindi sila inimbita at kung wala silang search warrant.
Kasunod nito iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nasabing trespassing incident.
Sa naturang insidente ilang Camouflage-wearing policemen ang pumasok sa Pacific Plaza towers nitong Linggo, nagsisisigaw at iwinawagayway ang kanilang mga baril sa mga residente ng condo na nasa pool area upang silang paalalahanan sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at nagbanta pang sila ay aarestuhin kapag hindi nagsibalik sa kani-kanilang mga units.
Nabatid na karamihan sa nakasaksi dito ay mga foreigner at bata na na-trauma sa nasabing insidente.