Ikinatuwa ng Palasyo ng Malakanyang ang lumabas na resulta ng latest Social Weather Stations survey na nagsasabing 4 sa 5 o 80% ng mga Filipino ay kuntento sa isinagawang 2019 midterm elections.
Sa nasabi ring SWS Survey, lumalabas na 86% ang naniniwalang “believable” o kapani-paniwala ang resulta ng senatorial elections.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel & Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nagsalita na ang sambayanang Pilipino.
Ang resulta ng latest SWS survey ay nangangahulugan lamang ng kagustuhan ng mga Pilipino na ipagpatuloy ang nasimulang pagbabago ng Duterte Admin.
Sinabi pa ni Panelo na sa pamamagitan ng survey ay dapat mawala na ang pagdududa ng iilan hinggil sa integridad ng nakalipas na eleksyon.
Kasunod nito umaasa ang Pangulo na patuloy na maitataguyod ng Commission on Elections ang pagkakaroon ng malinis at may kredibilidad na halalan sa 2022.