Palasyo, inatasan ang FDA na suriin ang Fabunan anti-viral injection na gamot umano sa COVID-19

Pinasusuri ng Palasyo sa Food and Drug Administration (FDA) ang sinasabing bakuna o gamot umano sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Nabatid na kumalat kasi sa social media ang video na nagsasabing ang isang patented anti-viral drug laban sa dengue na dinevelop ng Washington-based Filipino doctor na si Dr. Ruben Fabunan ay aprubado bilang gamot o lunas sa COVID-19 at sinasabi din na isa itong “approved” drug.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, dapat mapag-aralang maigi ng FDA ang nasabing anti-viral injection at kung ligtas ba itong gamitin.


Sinabi pa ni Roque na hangga’t walang deklarasyon ang FDA hinggil sa Fabunan anti-viral injection marami ang maniniwala na ito na ang lunas sa COVID-19.

Sa pinaka huling advisory ng FDA nitong April 8, sinabi nitong wala pang natutuklasang bakuna kontra COVID-19.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na magkakaloob siya sa sinumang Filipino na makakadiskubre ng gamot pangontra sa COVID-19 ng ₱10-M.

Facebook Comments