Manila, Philippines – Tiwala ang Malakanyang na ginagawa na ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng paraan para mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa pagkain ng karne ng baboy.
Sa harap ito ng pagiging positibo sa African swine fever (ASF) sa ilang sampol ng karne ng baboy mula sa lalawigan ng Rizal batay sa resulta ng isinagawang laboratory test sa ibang bansa.
Sinabi ni Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na sa ngayon, maiging hintayin na muna ang ilalabas na advisory ng Department of Agriculture (DA).
Aminado naman si Panelo na sa ngayon, ang pinakaligtas na gawin ay iwasan na munang kumain ng karne ng baboy habang inaantabayan ang payo ng DA at Department of Health (DOH).
Gayunpaman, naniniwala si Panelo na hindi ilalagay ng Department of Agriculture (DA) sa masamang posisyon ang kalusugan ng publiko hinggil sa kinatatakutang African swine fever (ASF).