
Itinutulak ng Malacañang ang agarang pagpasa sa Kamara ng katapat na panukala kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. 1823 na naglilipat ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Marso patungong Setyembre 2026.
Binigyang-diin ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing prayoridad ang pagsasagawa ng halalan sa BARMM at tiyaking maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Lagdameo, nakikita ng Pangulo ang unang BPE bilang isang makasaysayan at mahalagang hakbang sa pagkumpleto ng political transition ng Bangsamoro.
Aniya, ang pagkakaroon ng halal na parlyamento ay magpapatatag sa demokratikong awtonomiya ng rehiyon at magsisilbing patunay ng matibay na demokrasya hindi lamang sa BARMM kundi sa buong bansa.
Dagdag pa niya, kabilang ang panukala sa mga prayoridad ng administrasyon na tinalakay sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
Nauna na ring nagpahayag ang Pangulo na handa niyang sertipikahang urgent ang panukala kung kinakailangan upang matiyak ang maagap na pagpapatibay at implementasyon nito.
Iginiit ni Lagdameo na nais ng Pangulo na maisagawa ang halalan nang walang pagkaantala upang tuluyang makumpleto ang paglipat mula sa itinalagang interim authority patungo sa ganap na halal na rehiyonal na parlyamento, alinsunod sa peace framework na nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Sa pag-apruba ng Senado sa panukalang nagtatakda ng halalan sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026, nanawagan ang Palasyo sa House of Representatives na madaliin ang pagpasa ng sariling bersyon nito upang makapagsimula agad ang mga paghahanda.
Samantala, inilarawan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang nalalapit na halalan bilang mahalagang pagsubok sa tibay ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro. Aniya, ang pangmatagalang katatagan ay dapat nakabatay sa malinaw at kapani-paniwalang mandato mula sa taumbayan.
Nagpasalamat din si Zubiri sa suporta ng kanyang mga kapwa senador sa pag-apruba ng panukala at iginiit na isa itong hakbang pasulong sa pagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro region.
Nanindigan ang Malacañang na mahalaga ang agarang aksyon ng Kamara upang matiyak na maisasagawa ang unang regular na BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 2026, na itinuturing na mahalagang yugto sa demokratikong kasaysayan ng Bangsamoro at ng buong bansa.










