Palasyo, itinangging may kaugnayan ang pagkakatalaga sa pwesto ng asawa ng hukom na lumitis sa kaso ni Maria Ressa

Tahasang itinanggi ngayon ng Palasyo na kapalit ng guilty verdict ni Manila Regional Trial Courts (RTC) Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa sa cyber libel case laban kina Rappler CEO Maria Ressa at dating researcher-writer nito na si Reynaldo Santos Jr. ang pagkakatalaga sa pwesto ng kanyang asawa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala itong kaugnayan dahil ang korte na mismo ang nagsalita hinggil sa kaso ni Ressa.

Matatandaan noong Abril, isa sa 51 mga hukom na inappoint ni Pangulong Rodrigo Duterte ang asawa nito na si Judge Jacob Montesa II.


Sa kabilang banda, wala rin aniyang kinalaman ang pagkakatalaga kay Patricia Anne Keng bilang miyembro ng Philippine Commission on Women for the Youth Sector noong 2019.

Si Patricia ang anak ng negosyanteng si Wilfredo Keng na ini-ugnay nila Ressa at Santos sa kanilang artikulo sa human trafficking at drug smuggling.

Depensa ni Roque, hindi naman lahat nang itinatalaga sa pwesto ng Pangulo ay kakilala nito ng personal.

Isinusumite na lamang ng Presidential Management Staff sa pangulo ang shortlist o listahan ng mga pangalan ng kandidato na kwalipikado sa isang posisyon sa pamahalaan.

Facebook Comments