Tahasang itinanggi ng Palasyo na mayroong monopolya pagdating sa pagbili ng mga anti-COVID-19 vaccines.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa katunayan ay lumagda ang national government, Department of Health (DOH), mga Local Government Units (LGUs) at ang AstraZeneca sa multilateral agreement upang makabili rin ang mga LGUs ng bakuna para sa kanilang nasasakupan.
Paliwanag ni Roque, walang choice ang mamamayan dahil tanging ang Sinovac na mula sa China ang darating sa bansa simula sa susunod na buwan.
Habang ang iba pang bakuna tulad ng Pfizer, AstraZeneca ay pagsapit pa ng Hulyo o 3rd quarter ng 2021 darating sa bansa.
Giit nito, nauna na kasing nabili ng mga mayayamang bansa tulad ng Estados Unidos at Europa ang mga bakunang gawa ng Pfizer.
Maaari naman aniyang huwag magpabakuna lalo na ‘yung pasok sa priority list pero kinakailangan nilang lumagda sa waiver at makakapagpabakuna lamang sila kapag dumating na ang bulto ng bakuna sa bansa pagsapit ng 3rd quarter ng taon.